Sunday, April 5, 2009

Baliktanaw... EMO


Sa tuwing ako'y dumadaan sa pahinang ito sa internet, di ko maiwasang magbaliktanaw sa yugto ng aking buhay na puno ng makatotohanang emosyon. Puro ang bawat tawa, ang bawat hinagpis, ang bawat lagablab ng puso, walang halong pagkukunwari nating tinatampisaw ang bawat karanasan. Di tulad ngayon na napakataas na ng mga pader na ating itinayo, marahil upang protektahan tayo, upang di masaktan. Subalit ang pader na ito rin ang humahadlang sa atin na lasapin ang buhay ng buong buo. Maligaya ba tayo?

Di naman ako masyadong negatibo sa aking pananaw sa ating buhay ngayon. Alam ko karamihan sa atin ay parating na sa rurok ng ating mga karera at nakamit na ang minimithing pamilya, ako lama'y nagbabaliktanaw. Kay sarap maging estudyante lalo na't kayo ang aking naging kaibigan. Mahirap man ang buhay pero nakaya kong harapin ang lahat dahil pinapagaan natin ang bigat ng ating dinadala sapagkat tayo'y magkasamang sumusuong sa masalimuot na buhay ng isang tinedyer na halos kapit-bisig. Sobrang drama!

Ngayon nga'y trenta na ang ating edad (si Ging2 ay bago lang din nagdiwang ng kanyang ika-tatlumpo't-apat na kaarawan, maligayang bati Binibining Agham!) at alam kong katulad ko ay napapangiti kayo habang inaalala ang mga karanasan natin sa City High, alam ko na nagpapasalamat kayo (at ako rin) sa mga pinagdaanan natin dahil ito ang naghubog sa atin kung sino man tayo ngayon. Mapanganib ngunit mapagmahal! ASUS!!!


may-akda: ron

No comments:

Post a Comment