Wednesday, October 27, 2010

Isang Malamig na Araw ng Oktubre

Sa gitna ng aking walang katapusang online at virtual na pinagkakaabalahan, binabahagi ko ang isang mumunting sandali upang makagawa ng isang blog na sana’y maka agaw ng kahit panandaliang pansin sa aking minamahal na mga kaibigang D13.


Ngayon ay Oktubre 26 na, umuulan at kasalukuyang binabaha ang lungsod ng Dabaw. Sa lamig ng panahon, di ko mapigilang maisip na papalapit na ang Pasko. Haay, ewan ko kung anong magiging masaya o malungkot ang dapat na reaksiyon pero mas nanaig ang sigla dahil siguro sa mga anak ko na alam kong inaantay ang Pasko ng buong galak. Di ba’t sa buwang ito rin nabuo ang ating pagkakaibigan? Ayoko ng magbilang ng mga taon, sapat na ang mga panakanakang mga puting buhok na nakikita ko tuwing haharap ako sa salamin. Di naman ako nababahala kasi di pa naman ako masyadong matandang tingnan (char) pero naiisip ko rin na marahil paglipas ng ilang taon dadami at dadami na ito at iyon ay super ewwwness na at panahon na upang bumili ng mamahalin at mala-industrial strength na hair color.


Masaya ako nitong mga nakaraang araw at buwan sapagkat napapadalas ang pagkikita naming ng mga bakanteng Dabaw peeps na sila Jean, Joanne, Ron, Maricris. Si Alav at Ging2 ay kapapanganak pa lamang. Sa totoo lang, ako ay laging masigla sa tuwing pupunta ako sa aming mga ‘mini gimmicks’. Ewan ko pero kahit parang kami ay mga tangang paulit ulit ng mga kwento tungkol sa highschool, at paulit ulit naman kaming natatawa at animoy aliw aliw sa mga ito, ang sarap paring magbonding.


Nakakapagod kaya minsan ang buhay ng may makukulit na anak at asawa (hehehe), dagdagan pa ng aking hanapbuhay sa PC at internet na halos magdamag akong nakatutok. Buti na lang may Mafia wars at Facebook.


O sha sige, sa susunod na ulit, basta ako ay siguradong may mga exciting na lakad pang magaganap ngayong taon sa D13. At para sa mga ibang abala, isingit nyo naman ang kahit isang araw o gabing magkasama tayo (ngek murag mushy labstory)..


Hanggang sa susunod pang ulan, este blog ko..:D


May-akda: A-an

Sunday, April 5, 2009

Baliktanaw... EMO


Sa tuwing ako'y dumadaan sa pahinang ito sa internet, di ko maiwasang magbaliktanaw sa yugto ng aking buhay na puno ng makatotohanang emosyon. Puro ang bawat tawa, ang bawat hinagpis, ang bawat lagablab ng puso, walang halong pagkukunwari nating tinatampisaw ang bawat karanasan. Di tulad ngayon na napakataas na ng mga pader na ating itinayo, marahil upang protektahan tayo, upang di masaktan. Subalit ang pader na ito rin ang humahadlang sa atin na lasapin ang buhay ng buong buo. Maligaya ba tayo?

Di naman ako masyadong negatibo sa aking pananaw sa ating buhay ngayon. Alam ko karamihan sa atin ay parating na sa rurok ng ating mga karera at nakamit na ang minimithing pamilya, ako lama'y nagbabaliktanaw. Kay sarap maging estudyante lalo na't kayo ang aking naging kaibigan. Mahirap man ang buhay pero nakaya kong harapin ang lahat dahil pinapagaan natin ang bigat ng ating dinadala sapagkat tayo'y magkasamang sumusuong sa masalimuot na buhay ng isang tinedyer na halos kapit-bisig. Sobrang drama!

Ngayon nga'y trenta na ang ating edad (si Ging2 ay bago lang din nagdiwang ng kanyang ika-tatlumpo't-apat na kaarawan, maligayang bati Binibining Agham!) at alam kong katulad ko ay napapangiti kayo habang inaalala ang mga karanasan natin sa City High, alam ko na nagpapasalamat kayo (at ako rin) sa mga pinagdaanan natin dahil ito ang naghubog sa atin kung sino man tayo ngayon. Mapanganib ngunit mapagmahal! ASUS!!!


may-akda: ron

Monday, March 23, 2009

Natatandaan Mo Pa Ba?


Kaibigan, natatandaan mo pa ba kung kailan, saan, bakit at paano nagsimula ang ating samahan? Sariwa pa ba sa iyong alaala ang mga pinaggagawa natin, sa ngalan ng pagkakaibigan? Nararamdaman mo pa rin ba ang saya at lungkot na sinapit natin sa mga panahong iyon? Alam mo pa ba kung ano ang numero mo sa grupo? Kabisado mo pa ba ang lakad-martsa natin? Kakayanin mo pa bang mag “I could kiss your armpit?”

Magdadalawang dekada na. Tayo ay may kanya-kanyang buhay na. Malayo na sa isa’t isa. Bihira na lamang magkita. Marami nang nagbago sa ating buhay at pagkatao. Subalit alam nating may munting bahagi ng ating nakaraan ang mahirap makalimutan... Na sa tuwing naaalala ay nakakapagpapalabas ng ngiti sa ating mga labi.

Kung pansamantala mang nalimot dahil sa tagal na ng panahon at sa kumplikasyon na rin ng buhay, sana sa pamamagitan ng “utak-anak(?!?)” na ito ni Ron, ay manumbalik ang masasayang alaala ng ating barkada noong ating kabataan. Sana kahit papaano ay maramdamang muli ang pagka-mapanganib. Sana kaya pang magpaka-haiskul muli, kahit na ang D13kids ay malapit nang maghaiskul? Sana maalala pang may isang dosena at tatlo pang mga kaibigang kabahagi ng buhay. Sana magawang maisingit pa ring makipagtxt o makipagchat kahit sandali, sa kabila ng nagkukulang nang oras sa trabaho at pamilya. Sana kahit paminsan-minsan ay dumalo sa mga pagtitipon at sabay-sabay balikan ang nakaraan o kahit gawing muli ang mga dating gawi..

Di man kayang tandaan ang bawat alaala.
Sana’y di magawang kalimutan ang isa’t isa...

Matatandaan pa kaya...
O sadyang matatanda na?




may-akda: jean

Wednesday, March 18, 2009

Ang D13 sa Panahon ng Internet



Makailang beses na naming napag usapan sa YM nila Ron at Jean ang paggawa ng kakaibang blog ng aming grupong D13. (Sa totoo lang, si Ron talaga ang nakapag isip ng ideyang ito..) At ngayon, salamat naman at nasa “online” na ang beybing ito parang kailan lang tinangkang gawin..(Ahak, nosebleed na ko ug tinagawog)

Matatandaang nagkaroon ng blog si Ron noon na inalay para sa D13 ngunit ewan ko ba kung bakit nawala yun. Ano nga ba ang pamagat non? Di ko na maalala.

Dahil karamihan sa amin ay nakakapag usap sa YM chat (lalo na kami ni Ron sapagkat ang aming trabaho ay nangangailangan na maging “online” palagi, di maiwasan na magkwentuhan. Minsan ay nag-kukumpirensya kami nila Jean at Penny kasama si Ron. Lagi din kami nag-uusap ni Ching2 na para bang malapit lamang ang Scotland. Salamat sa teknolohiyang idinudulot ng internet. Hehehe.


Shempre, andyan din si Joanne. Minsan si Tetet, Cherry at Riza. May dalawang beses ko rin nakausap si Alav at si Ging2 (bagamat lagi kaming nagkikita nito). Ang di ko pa nakikita sa YM ay sina Phoebe, Chona at Imee.

Sana ay maging tulay ang blog na ito upang magkita kita lahat kahit sa internet man lang. Yung iba, magparamdam naman kayo…

Hanggang sa susunod kong artikulo..O kayo naman --- kaubo bya ko dri ug ti-nype ha.Hehehe


may-akda: A-an


Monday, March 16, 2009

Naghihintay...



...sa ipinangako.
ni Jean
ni A-an
ni Ching-ching
ni Joanne
Kailan?
Kailan darating ang inyong mga artikulo??
Naiinip na sila...
O sige, walang sila, pero kung meron mang "sila"
tiyak ko naiinip na!



may-akda: ron

Sunday, March 15, 2009

Pambungad na mga Laman (Larawan at Sanaysay)





Mabuhay!

Araw ng Dabaw bukas at sa tingin ko ito'y napakainam na panahon para pasinayaan ang pinakabagong blog sa maduming balat ng lupa ng Pilipinas. Harinawa'y bumistia lahat ng aming mga kaibigan. Mga kaibigang halos dalawampung taon na naming nakilala. Kami ni Ging, halos tatlumpong taon na!

Ang blog na ito ay mga sanaysay tungkol sa mga bagong pangyayari sa buhay-buhay ng labintatlong magbabarkada at ng tatlong salilmpusa na sabay na pumasok sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Dabaw (MPLD) mula 1988 hanggang 1992. Mababasa rin dito ang mga saloobin at opinyon naming mga may-akda at mga paksang malapit sa aming puso - tsismis 'ika nga. Paminsan-minsan ay iimbita rin kami ng ibang tagasulat upang ilarawan ang mga bagay-bagay na interesante at paksang napapanahon. Susulat rin kami ng mga sansaysay ukol sa pagkatao ng mga miyembro ng barkada.

Ina-anyayahan po namin kayong bumalik kahit minsan lang sa isang linggo at halina't simulan ang panibagong kababaliwan ninyo sa loob ng internet.

may-akda: ron